about mga kwentOs


Wednesday, January 26, 2011

Kahapon, Ngayon at Bukas

Nakakamiss ang college life. Lalo na yung mga taong nakasama ko sa loob ng apat na taon. Mga kabarkada, kaklase at kaskulmeyt. Parang kahapon lang magkakasama kaming nagbibiruan sa loob ng silid-aralan. Sabay-sabay nagtatawanan. Pare-parehas ng mga napagdaanang pagsubok upang makaapak sa tinatawag na Unang Hakbang --ang Pagtatapos. Ngayon, hiwa-hiwalay na. Bihira na kung magkitakita. Ni kahit nga magkausap sa pamamagitan ng simpleng text message, o kaya naman sa mga iba't ibang social networks ay bihirang bihira ng mangyari.

Nakakamiss. Lalo na ang ingay ng mga tawanan, biruan at mga kung anu-anong pwedeng magawa habang wala pa ang titser. Merung kukuha ng atensyon mo para sa mga walang kakwenta-kwentang bagay gaya ng announcement ng iba't ibang projects ng eskwelahan, mga contributions na dapat magbibigay, mga paalala ng isang umeepal lang na hindi naman kasama sa Class Organization at mga kung anu-anong kalokohan ng bawat isa makakuha lang ang pansin mo. Mga simpleng usapan sa mga bagay na nakita mo kahapon gaya ng makita ang crush mo na may kasamang babae o lalaki at magkaholding hands pa, mga mag-EX na nakitang magkasama ulit at sweet na sweet pa, mga naaartehang babae o nakakabwisit na mukha ng isang lalaki at syempre ang walang kamatayang mga nang-uusisa sa buhay mo at ng ibang tao. Hindi rin mawawala ang mga taong nagkakapikunan hanggang sa magkasuntukan o kaya nama'y magkasabunutan at ang dalawang kampo na magdededmahan nalang hanggang sa hindi matiis na mag-usap ulit.

Habang nasa gitna ng kasiyahan ang lahat, dadating na ang professor na kung hindi late ay sobrang aga naman magsimula ng kanilang lecture. Na tipong tatlo pa lamang kayong naroon, ay magsisimula na magdiscuss. Minsan itataon pang konti lang kayong pumasok saka sya magpapalabas ng papel at sasabihing may quiz. Andyan yung mauubos ang isang bungkos ng papel mo kakahingi ng katabi mo, ng kaibigan niya at ng buong klase. Parang kang may pabrika ng mga papel. Kung minsa'y hihiram pa ng bolpen mo o kaya lapis at asahan mong hindi na niya ibabalik yun. At sa tuwina'y sayo nalang nakalahad ang mga palad nila, isa ka kasing mabait na tao na may malinis na kalooban. Yung iba naman, hihintayin makumpleto ang klase bago magsimula kaso kakaantay sa mga late comers ay ubos na ang oras na sana kahit paano'y may napulot kang aral. Kung bakit naman kasi pinapahalagahan ang mga batugan pumasok pati ikaw damay tuloy sa isang araw na walang natutunan. Nakakaloka!

Naalala mo pa ba ang mga kagrupo mo sa bawat project na pinagagawa sa inyo? Kagaya nalang ng Research. Grabeng pagod ng lider namin non! Puro problema inabot sa paggawa. Nariyan yung magkakasira-sira kayo, mag-aaway-away, mga sigawan at mga akuan na hindi naman naisasagawang mabuti ng umako. Pero sa dulo, bati-bati ulit. Mga nakangiti kapag tapos ng defense sabay sigaw na "Yes!! natapos din. Lintik na yan!!". Hay! buhay estudyante nganaman. Kahit na nakakapagod at nakakatamad, hahanap-hanapin mo padin ang araw na naka-upo ka sa silya at nakikinig sa nagsasalita sa harapan.

Madaming nakakamiss at masarap balik-balikan. Ngayon, mag-isa ka nalang. Inaalala ang kahapon na saya kasama sila. Busy na ang lahat.

Kahapon, magkakakilala pa. Ngayon, nagkakalimutan na. Bukas kaya?